Kinilala ni P/Supt. Jovencio Carillo, hepe ng regional police operations, ang mga biktimang nasawi sa pamamaril na sina Rodolfo Castro, 39, barangay chairman ng Barangay Usol at Frederick Realiza, 40, assistant municipal accountant sa bayan ng Jones, Isabela.
Nasa kritikal na kondisyon ang dalawa pang biktima na sina Saturnino Realiza Sr.; 64, at anak nitong si Saturnino Jr., 42, matapos na pagbabarilin ng suspek na Aleman na si Anthony Kampeman, 51, ng nasabing lugar.
Sa ulat na ipinadala ng PNP Jones kay P/Chief Supt. Jeffeson Soriano, Cagayan Valley provincial director, naitala ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga, kamakalawa habang nasa loob ng barangay office ang mga biktima at suspek na nakikipagkomprontasyon sa kasong grave threat na kinasasangkutan ng Aleman.
Habang nasa kainitan ng komprontasyon ang magkabilang panig ay biglang nagbunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima kabilang na ang barangay chairman na umaawat at namagitan lamang sa nasabing usapin.
Matapos pagbabarilin ang apat na biktima na ikinamatay nina Castro at Frederick ay agad na nagtungo ang suspek sa tahanan ng isang nagngangalang Ignatius Salinas at pinagbabaril din ito, subalit himalang nakaligtas hanggang sa maubusan ng bala kung saan dito naman nakakuha ng pagkakataon ang asawa ni Salinas na paluin ng bote ang ulo ng suspek na naging sanhi upang mawalan ito ng malay.
Agad naman na inaresto ng mga residente ang nawalan ng ulirat na suspek habang mabilis naman na isinugod sa pagamutan ang mag-amang Realiza na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ngayon ng pulisya ang suspek habang inihahanda na ang kasong double murder, double frustrated murder at attempted murder laban sa nasabing Aleman. (Victor P. Martin)