Kabilang sa mga napatay na biktima sa nakubkob na detachment ay si Sgt. Rolando Luna at dalawa pa nitong kasamahang Enlisted Personnel (EP) ng Army 78th Infantry Battalion (IB).
Ayon kay Col. Tristan Kison, Chief ng AFP-Public Information Office, bandang alas-4:30 ng hapon nang magsagawa ng sorpresang pag-atake ang grupo ng NPA Central Visayas Regional Party Committee sa ilalim ng pamumuno ni Ka Roy Erecre na pawang armado ng malalakas na kalibre ng armas sa nasabing detachment ng militar.
Nabatid na ang nasabing detachment ay malapit sa barangay hall at may siyam na sundalo mula sa Special Operations Team (SOT) sa pamumuno ni Luna ang nagbabantay dito kasama ng mga CAFGU.
Kasalukuyan umanong nagmemeryenda ang ilan sa mga sundalo habang ang iba naman ay namamalengke nang biglang lumusob ang mga rebelde at pinaputukan ang nasorpresang mga sundalo na naiwang nagbabantay sa detachment.
Matapos paulanan ng bala ang mga sundalo ay niransak pa ng mga rebelde ang imbakan ng armas ng mga sundalo sa detachment at tinangay ang apat na M 16 rifle, apat na M 14 rifle at isang Motorolla HH radio.
Tumagal lamang ng isang minuto ang pag-atake ng mga rebelde bago mabilis na nagsitakas ang mga ito. (Joy Cantos)