4 kawatan arestado

CABANATUAN CITY – Apat na kawatan ang arestado ng pulisya habang nakatakas pa ang isa nilang kasama matapos na pagnakawan ang isang abandonadong bahay sa Barangay Bonifacio rito, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Jesus Gordon Dezcanzo, hepe ng pulisya rito, ang mga nadakip na suspek na sina Ernesto Estorinos, 29, binata, ng Barangay Bonifacio; Renato Pimentel, 26, may-asawa; Ricardo Tolentino, 46, kapwa ng Barangay Imelda Dist. at Alberto Dulle, 34, ng Brgy. MS Garcia, ng lungsod na ito habang nagawang makatakas ng isa pang suspek na si Joel Sagana ng Barangay Barrera ng lungsod na ito.

Ayon kay Dezcanzo, nag-iinuman ang mga suspek sa gilid lamang ng bahay ng biktimang si Remedios Ocampo, 69, biyuda ng naturang lugar at nang mapansin ng mga ito na iniwan ang bahay na walang tao at nakaligtaang isara ng matanda ang pinto ay doon nila sinamantala ang pagkakataon.

Pinasok ng mga suspek ang ikalawang palapag ng bahay at tinangay ang isang 4-set Sony surround speakers na nagkakahalaga ng P25,000, 1 cross stitch wall clock na may halagang P3,000, 1 VCD player na may halagang P4,000, at isang towel na nagkakahalaga ng P500, para sa kabuuang P33,000.

Nabatid na sinira ng mga suspek ang fire exit ng bahay at doon dumaan para tumakas. Isa naman sa mga kapitbahay ng biktima ang nakapansin sa pangungulimbat ng mga suspek at ipinagbigay-alam agad niya ito sa rumurondang mobile patrol ng pulisya ilang minuto makaraang makaalis ng mga suspek.

Nagsagawa ng agarang paghabol ang pulisya at naabutan sa isang safehouse sa Brgy. Aduas ang mga suspek, maliban kay Sagana.

Nabatid na nabawi ng pulisya ang VCD player at ang towel, habang ang iba pa nilang tinangay ay dala-dala umano ni Sagana para ihanap ng buyer. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments