Ayon kay P/Chief Inspector Crod Maranan, hepe ng pulisya sa bayan ng Lemery, ganap na ika-9:30 ng gabi nang salakayin ng mga armadong kalalakihan at sapilitan ikinulong ang walong empleyado sa palikuran ng Alps Bus Line Company terminal.
Sa panayam ng PSN sa drayber na si Mario Escaño, inutusan siya ng mga rebelde na tanggalin ang ibang aircon bus at mag-iwan lamang ng tatlo para susunigin.
Ani Escaño, binanggit sa kanya ng mga rebelde na susunugin nila ang mga pampasaherong bus dahil sa hindi pagbabayad ng revolutionary tax ang may-ari nitong negosyanteng si Alfredo Perez.
Matapos sunugin ang tatlong bus , agad naman silang tinutukan ng baril ng mga rebelde at pinagkukuha ang mga cellphones at ang koleksyon na P 173,000.
Kabilang sa mga ikinulong na empleyado sa palikuran ng nabanggit na terminal ay kinilalang sina David Villanueva, cashier; Elmar Canta, inspector; Michael Andaya, conductor; Merviner Ortiz, driver ; Lito Magsino, driver at 2 truck washer na hindi nakuha ang pangalan.
Ang mga nasunog na bus ay 2 aircon na may body number na 777E C at 777E habang ang ordinary bus ay may body number na 70877 na umaabot sa halagang P8-milyon.
Tumagal lamang ng sampung minuto ang ginawang pagsalakay ng mga rebelde at naglakad lamang papatakas sa masukal na bahagi ng katabing barangay.
Samantala, naglagay naman agad ang operatiba ng pulisya ng checkpoints sa buong lalawigan na siyang posibleng labasan ng mga nabanggit na rebelde, kasabay na rin ang pag-uutos ng follow-up operations sa pamumuno ng 401st Provincial Mobile Group, 730th at 740th combat groups ng Armed Forces of the Philippines.