Base sa ulat ni SPO1 Jimmy Marcelo, ganap na ika-10:45 ng umaga nang magtungo sa pulisya ang lotto winner na si Erwin Namia, kasama ang kanyang misis na si Virgie at dalawang anak na lalaki upang linawin ang kumalat na balitang dinukot sila ng ilang kapitbahay dahil sa pagkapanalo sa lotto ng P79 milyon noong Setyembre 12, 2005.
Sa salaysay ni Erwin sa pulisya na, nanalo nga siya sa lotto ng P3.9 milyon, salungat sa napaulat na P79 milyon dahil tatlo ang naging lotto winners, kaya pinaghatian nila ang P11,990, 724,90.
Pinabulaanan ni Erwin na dinukot sila ng ilang kapitbahay matapos na mabalitaang nanalo siya sa mega lotto noong Lunes (Setyembre 12), bagkus ay nagtago sila sa isang kaibigan sa bayan ng Plaridel, Bulacan upang iwasan ang mga kamag-anak na nagtutungo sa kanilang bahay para humingi ng balato.
Magugunitang kumalat ang balitang dinukot ang pamilya Namia matapos na kubrahin sa Philippine Charity Sweepstakes Office sa Quezon City ang napanalunan sa mega lotto (6/45) na P79 milyon kaya humingi ng saklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang lolo ni Erwin na si Francisco Hernandez ng Norzagaray, Bulacan. (Efren Alcantara)