CAVITE Agad na kinalawit ni kamatayan ang isang 36-anyos na drayber makaraang aksidenteng pumutok ang nilarong baril habang nakikipag-inuman ng alak sa kanyang pamangkin, kahapon ng madaling-araw sa Barangay Javalera sa bayan ng General Trias, Cavite. Sapol sa kanang sintido at bumulagtang patay ang biktimang si Salvador Balea, may asawa at residente ng Barangay Bancal, Carmona, Cavite, Ganap na ika-3:30 ng hapon nang magyabang ang biktima na hawak ang baril sa harap ng kanyang pamangking si Michale Balea, ayon kay PO2 Edgardo Gallardo. At dahil sa lango sa alak ang biktima ay nagawang itutok sa sintido ang hawak na baril at sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang pumutok hanggang sa umalagwa ang kamatayan.
(Cristina Timbang) CAMP HENRY ALLEN, Baguio City Isang mataas na opisyal ng Cordillera Peoples Liberation Army (CPLA) ang kusang-loob na sumuko sa militar matapos ang matagumpay na negosasyon, ayon sa Civil Relations Group ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nakabase sa siyudad na ito. Sa ulat mula kay Col. Angelito de Leon, commanding officer ng 41st Infantry Battalion ng Philippine Army sa Lagangilang, Abra, ang sumuko ay si Nestor Guyo ng Barangay Luzong, Luba, Abra. Si Guyo ay political at chief intelligence officer ng CPLA Zone I Command sa ilalim ng pamumuno ni Modesto Sagudang, isang CPLA faction na nag-ooperate sa ilang bahagi ng kabundukan ng Cordillera. Isinuko rin ni Guyo, ang M-16 assault rifle na may M203 grenade launcher, 8 rounds ng 40mm grenades at isang M-16 magazine na may 13 bala.
(Artemio A. Dumlao) 3 grabe sa gitgit sa trapik |
BULACAN Tatlo-katao ang kumpirmadong nasa kritikal na kondisyon makaraang magbarilan ang dalawang drayber na tumangging magparaya sa trapik sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Tigpalas sa bayan ng San Miguel, Bulacan kamakalawa ng umaga. Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang mga biktimang sina Roderick Baltao, 28, traysikel drayber; Robert Bernardo drayber ng van at ang ina nitong si Adoracion Bernardo, 66, na pawang residente ng nabanggit na bayan. Tugis naman ng pulisya ang isa sa suspek na si Ronald Baltao, 34, bumaril sa nasugatang mag-inang Bernardo. Napag-alamang nagkasalubong ang sasakyan nina Bernardo at Baltao sa naturang lugar, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay tumanggi ang bawat isa na magparaya hanggang sa humantong sa barilan na ikinasugat ng tatlo.
(Efren Alcantara)