Kasalukuyan ginagamot sa pagamutan ang biktimang si Ronald Pino, habang arestado naman ang buntis nitong misis na kinilala namang si Maridee Sequela.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap sa pagitan ng alas-5 hanggang alas-6 ng umaga sa tahanan ng mag-asawa sa Barangay Look, Lapu-Lapu City.
Napag-alamang bago ang insidente ay naaktuhan ng misis na may kasamang babae nitong Linggo ng gabi ang kaniyang mister sa loob ng kanilang silid na kinilalang si Nerissa Relao, may-ari ng isang tindahan at kapitbahay nila sa nasabing lugar.
Sa salaysay ng misis sa presinto ng pulisya, sinabi nito na kinontrol niya ang kaniyang matinding galit nang makita na may katabing ibang babae sa loob ng kanilang silid ang kaniyang mister at iniuntog na lamang sa pader ang kaniyang ulo.
Ayon pa sa ginang na suspek, hindi siya makatulog ng nasabing gabi kung saan ang labis na nagpapasama sa kaniyang loob ay kung papaano nagagawa ng kaniyang mister na mag-uwi at romansahin ang babae sa loob ng kanilang kuwartong mag-asawa na ginawa nito sa hindi mabilang na pagkakataon.
Kinabukasan ay kinuha ng suspek ang isang bagong hasang kutsilyo mula sa kusina at pinutulan ng ari ang natutulog nitong asawa na nakainom at nang magising ay nagsisigaw sa matinding kirot hawak ang naputol na ari.
Nabatid pa sa ulat ng pulisya na maliban sa pambababae ng mister na biktima ay sinasaktan pa nito ang sariling asawa.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito habang sinampahan na ng kasong serious physical injury ang nasabing ginang. (Joy Cantos)