Ex-police sargeant itinumba

BATAAN — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang retiradong sarhento ng pulisya ng hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nakamasid sa ipinapagawang bahay sa Sitio Tabon, Barangay Panilao sa bayan ng Pilar, Bataan kamakalawa.

Apat na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay si ex-SPO1 Rodolfo Paguio, biyudo balo at residente ng nabanggit na barangay.

Samantala, dinakip naman ang traysikel drayber na si Rudy Novecio na sinakyan ng nag-iisang suspek na pinaniniwalaang makapagbibigay ng linaw sa naganap na insidente.

Sa ulat ni SPO1 Carling Santos, team leader ng Pilar PNP, ganap na ika- 4:40 ng hapon nang upakan ang biktima habang nagmamasid sa kanyang ipinagagawang bahay.

May teorya ang pulisya na isa sa mga kamag-anak ng biktima ang kasabwat sa krimen at isinampa na sa Municipal Circuit Trial Court ang kasong murder laban sa mga suspek. (Jonie Capalaran)

Show comments