Kabilang sa mga nasawing kawal ay nakilalang sina 1st Lt. Arthur Gelotin, unit commander; Cpl. Felix Tenoso, Pfc. Jesie Basaya, Pvt. Alexander Tupal at Pfc. Ventura.
Samantala, ang tatlong sibilyang nasawi ay may apelyidong Enot, Belonio at Gelotin na pawang malapit na kaanak ng mga kawal ng 15th Division Reconnaissance Company na nakabase sa Barangay San Agustin sa bayan ng Sapang Dalaga.
Sugatan naman sina Pfc. Piroy, Pfc. Rusiana, Pfc. Dominguez na pawang ginagamot sa Calamba District Hospital.
Ayon kay Armys 1st Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Gabriel Habacon, ganap na ika-10:45 ng umaga nang tambangan ng mga rebeldeng NPA ang mga biktima habang patungo sa palengke sakay ng army vehicle sa bahagi ng Sitio Calunod sa Barangay Bitibot ng nabanggit na bayan.
Napag-alamang bago maganap ang pananambang ay dalawang malakas na pagsabog ang umugong sa dinaanan ng sasakyan ng mga biktima na tumilapon ng may 50 metro ang layo.
Kasunod nito ay sunud-sunod na putok ng malalakas na kalibre ng barill ang umalingawngaw mula sa komunistang grupo na nakaposisyon at nagtatago sa makapal na damuhan sa magkabilang bahagi ng nabanggit na highway.
Kaugnay nito, naglunsad na ng malawakang hot pursuit operations ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya laban sa naturang grupo ng mga rebelde na responsable sa madugong pag-atake. (Joy Cantos)