Napag-alamang idineklarang patay sa Antipolo Community Hospital ang biktimang si Eliza Mae Moises at agad din inilibing sa Buso-Buso Public Cemetery mula sa selyadong kabaong.
Nilinaw ng mga doktor na tumingin sa biktimang high school student na dengue lamang ang sakit ng bata, subalit nilinaw pa na walang kakayahan ang nasabing ospital para malaman kung meningo ang ikinamatay dahil sa kakulangan ng mga apparatus para ma-detect ang sakit.
Dahil sa pagkamatay ng biktimang residente ng H. Alarcon Street sa Barangay Dela Paz ng nabanggit na lungsod ay pansamantalang isinara ang naturang ospital upang sumailalim sa quarantine ang mga doktor at staff na tumingin sa dalagita para di kumalat pa ang nakamamatay na virus.
Matapos na mabigyan ng kaukulang bakuna na pinaniniwalaang panlaban sa nasabing virus ang mga doktor at staff ay muling binuksan ang naturang pagamutan kahapon ng umaga.
Napag-alamang ipinag-utos na ng Department of Health na bigyan ng gamot ang lahat ng nakasalamuha ng biktima sa kanilang bahay o sa eskuwelahan.
Ito na ang ikalawang kaso ng meningo sa nasabing lungsod na unang naitala ang pagkamatay ng isang batang babae ilang buwan na ang nakalipas. (Edwin Balasa)