Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maitala ang pagsabog sa harapan ng City Hall na matatagpuan sa panulukan ng Gaerlan-Capistrano St. ng nabanggit na siyudad.
Base sa ulat, matapos na matanggap ang ulat ay agad na nagresponde ang mga elemento ng Cagayan de Oro City Mobile Group (CMG)-Explosive Ordnance Division (EOD) at Police Community Precinct1 dala ang kanilang mga K-9 dogs sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na ang bomba na itinanim ay isang improvised explosive device na inilagay sa harapang pintuan ng nabanggit na gusali at pinaniniwalaang tangkang pasabugin sakaling magpasukan ang mga empleyado, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay sumambulat kaagad. Bunga nito, ay nagkaroon ng pinsala sa unang palapag ng gusali na pinaglagyan ng bomba.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naganap na insidente upang matukoy ang nasa likod ng pagpapasabog. (Joy Cantos)