Lider ng NPA rebs sumuko
October 6, 2005 | 12:00am
CAMP CRAME Sumuko sa tropa ng militar ang isang mataas na opisyal ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa Davao City, ayon sa ulat kahapon. Batay sa ulat na nakalap kahapon sa tanggapan ni Army chief Lt. Gen. Hermogenes Esperon Jr., kinilala ang sumukong lider ng NPA na si Marcial Dosmanos, alyas Ka Larry, 39. Si Ka Larry ay team leader ng Second Squad Party Branch Committee 1 ng Southern Mindanao Regional Committee. Napag-alaman na dakong alas-12 ng hapon nang sumuko ang nasabing lider ng NPA kay Lt. Col. Rolando Bautista ng Armys 73rd Infantry Battalion (IB) na nakabase sa Baguio District ng lungsod. Kasalukuyang sumasailalim sa masusing tactical interrogation ng militar ang sumukong lider ng NPA. (Joy Cantos)
PAMPANGA Tatlo sa limang kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng nakawan ang nasakote ng mga opisyal ng barangay makaraang maaktuhang sa pagnanakaw sa isang bahay sa Barangay Lagundi sa bayan ng Mexico, Pampanga kamakalawa. Kabilang sa mga suspek na naghihimas ng rehas na bakal ay nakilalang sina Byron Garcia, Eduardo Magtoto at Noel Urbano na pawang naninirahan sa Barangay San Jose. Ang mga suspek ay naaktuhang naninikwat ng gamit sa bahay na pag-aari ni Alma dela Cruz. Napag-alamang sangkot din ang mga suspek sa serye ng nakawan sa nabanggit na barangay na ang mga biktima ay pawang namamasukan sa dalawang malaking department store sa Pampanga. (Resty Salvador)
LEGAZPI CITY Kumpirmadong nasawi ang isang 11-anyos na estudyante, samantala, nasa kritikal na kondisyon ang ina nito makaraang mapahawak ang mag-ina sa bakal na gate habang papalabas ng kanilang bahay sa Purok 8, Barangay Dap-Dap sa Legazpi City, kamakalawa ng gabi. Halos nangitim ang buong katawan at hindi na umabot pa ng buhay sa Aquinas Hospital ang biktimang si Benedict Gallego, habang malubha naman si Marita Gallego. Napag-alaman sa ulat ng pulisya na hindi sinasadyang sumabit ang naikabit na galvanized pipe ni Lito Longasa mula sa poste ng barangay sa bakal na gate ng pamilya Gallego, kaya nang papalabas na ang mag-ina ay naganap ang hindi inaasahang insidente. Pinag-aaralan ng pulisya kung may pananagutan si Longasa sa naganap na pangyayari. (Ed Casulla)
BULACAN Pinagtulungang gulpihin hanggang sa mapatay ang isang 44-anyos na karpintero ng tatlong kalalakihan na nakasalubong ng biktima sa kalsadang sakop ng Barangay Lawa sa bayan ng Obando, Bulacan, ayon sa pulisya. Ang biktimang nagtamo ng maraming pasa, sa katawan at natagpuang nakalutang sa ilog ay nakilalang si Ose San Diego, samantalang tugis ng pulisya ang mga suspek na sina Roylie Santos Jonjon Nolasco at Ato de Armas na pawang residente ng nabanggit na barangay. Sa pagsisiyasat ng pulisya, huling namataang buhay ang biktima na nakikipag-komprontasyon sa mga suspek hanggang sa matagpuan na lamang ang bangkay nito sa nabanggit na ilog. (Efren Alcantara)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest