Tinedyer ni-rape slay

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Isang 18-anyos na tinedyer na pinaniniwalaang hinalay muna bago pinaslang ang natagpuan sa liblib na bahagi ng Barangay Lantik sa bayan ng Carmona, Cavite kamakalawa. Ang biktima na may palantandaang pinahirapan muna bago pinatay ng hindi kilalang lalaki ay nakilalang si Michelle Cantina, tubong Negros Occidental at residente ng MC Compound sa Barangay Mabuhay ng bayang ito. Ayon kay PO2 Gerardo Pineda Jr. na posible rin hinalay ang biktima bago tinodas sa ibang bayan bago itinapon sa nabanggit na barangay upang iligaw ang imbestigasyon. Sumasailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng biktima. (Cristina Timbang)
Bangka Lumubog, Mag-Utol Todas
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Hindi na nakarating sa patutunguhan ang mag-utol at nasawi matapos na malunod dahil sa paglubog ng bangka na kanilang sinasakyan sa Sabang River na sakop ng Barangay Sogod sa bayan ng Tinambac, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Naisugod pa sa Tinambac Infirmary Hospital, subalit idineklarang patay ang dalawa na nakilalang sina Joan, 16 at Sherwin Ilo, 13 na kapwa naninirahan sa Barangay Union ng nabanggit na bayan. Bandang alas-2 ng hapon nang aksidenteng lumubog ang bangka na may lulang siyam na pasahero kabilang na ang mag-utol. Nakaligtas ang pitong pasahero, subalit ang dalawa ay nalunod. (Ed Casulla)
Akusado Sa Pagpatay Nag-Suicide
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang 26-anyos na binata na kinasuhan ng homicide ang iniulat na nag-suicide sa bahaging sakop ng Sitio Maliktay sa Barangay Hacienda, San Miguel Island, Tabaco City, kamakalawa. Ang bangkay ng biktima na natagpuang nakabitin sa puno ng mangga ay nakilalang si Erik Balingbing na pinaniniwalaang hindi matanggap ang isinampang kaso laban sa kanya. Ayon sa pulisya, huling namataan ang biktima na matamlay at walang kibo sa kanilang bahay matapos na kasuhan ng homicide. Hindi naman nag-iwan ng suicide note ang biktima sa kanyang pamilya, ayon pa sa ulat. (Ed Casulla)

Show comments