Nakilala ang biktima na si Engr. Wilfredo de Leon, 50, may-asawa, ng Enrile Subd., Brgy. Concepcion Pequena, ng nasabing lungsod at umanoy bayaw ni P/Supt. Raul Hebreo, deputy provincial director ng Camarines Sur Provincial Police Office.
Ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival sa Mother Seton Hospital, ng bayang nabanggit bunga ng apat na tama ng punglo sa leeg.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente, dakong alas-11:40 ng gabi habang sakay ang biktima ng kanyang Mitsubishi Pajero na may plate no. XCG-474 nang bigla na lamang lapitan ng nag-iisang suspek na armado ng kalibre 9mm pistola at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima
Nauna rito, nakipag-usap umano ang biktima sa dalawang engineer ng DPWH sa isang bar kung saan ang mga ito ay nag-inuman ng beer dahil sa umanoy pag-turn over ng isang proyekto sa Sanggay-Tiwi Road.
Ilang saglit ay natapos ang kanilang inuman hanggang sa magpasya ang biktima na umuwi na. Kasasakay lamang umano nito sa kanyang pajero nang biglang lapitan ng suspek at pagbabarilin na kaswal na lumakad papalayo sa lugar na kung saan naghihintay ang isang motorsiklo na sinakyan nito sa kanyang pagtakas.
Hindi pa mabatid ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng suspek upang paslangin ang biktima.
Ang driver ng biktima ay papasakay pa lamang nang pagbabarilin ng suspek ang biktima na papauwi na sana sa kanilang bahay.
Sa kasalukuyan, isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad ukol dito. (Ed Casulla)