Mangingisda sabog sa dinamita
October 1, 2005 | 12:00am
OLONGAPO CITY Isang 40-anyos na mangingisda ang halos magutay ang katawan makaraaang masabugan ng dinamita habang nangingisda sa baybay-dagat na sakop ng Barangay Cawag sa bayan ng Subic, Zambales, kamakalawa ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Rogelio Aspe, ang nasawing biktima na si Fernando Belardo ng Sitio Naglatore ng nabanggit na barangay. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na hawak ng biktima ang dinamita habang nangingisda nang madulas sa tinutuntungan bato at sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang sumabog kaya naganap ang trahedya. (Jeff Tombado)
PAMPANGA Tinambangan at napatay ang isang 54-anyos na barangay chairman ng dalawang hindi kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo habang ang biktima ay patungo sa pag-aaring piggery farm sa Sitio Dampe sa Barangay Consuelo, bayan ng Floridablanca, Pampanga, kamakalawa ng hapon. Pitong bala ng baril ang tumapos sa buhay ng biktimang si Honorio Mario ng Barangay Sta. Monica. Ayon kay P/Chief Inspector Samuel Sevilla, hepe ng pulisya sa bayan ng Floridablanca, si Mario ay nagbibisikleta patungo sa kanyang babuyan nang pagbabarilin ng mga hindi kilalang lalaki. Posibleng may kinalaman sa krimen ang pagiging aktibong anti-communist ng biktima sa kanilang barangay, ayon pa sa ulat ng pulisya. (Resty Salvador)
LEGAZPI CITY Isa ang nasawi habang isa naman ang sugatan makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki ang magpinsang nagkukuwentuhan sa bahaging sakop ng Barangay Mayon sa bayan ng Castilla, Sorsogon kamakalawa ng gabi. Nakilala ang nasawi na si Romeo "Kuba" Mangampo, samantala, ginagamot naman sa Castilla Hospital ang sugatang biktima na si Jesus Mangampo. Naitala ang krimen dakong alas-8:30 ng gabi habang nag-uusap ang magpinsan sa harap ng Mayon Elementary School. Napag-alamang biglang lumapit ang hindi kilalang lalaki at pinaputukan ang mga biktima. Posibleng inakalang mga kaaway ang magpinsan ng suspek kaya inupakan, ayon pa sa ulat. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest