15,000 mangingisda umapela sa Senado

BATAAN — Aabot sa 15,000 mangingisda mula sa tatlong barangay na nakabase sa Bataan ang umapela kahapon sa Senado para palayain na si National Security Adviser Norberto Gonzales sa salang contempt.

Sa pahayag ng lider ng 15,000 mangingisda na si Barangay Chairman Alfredo Malibiran ng Puerto Rivas Ibaba na malaki ang tiwala nila kay Gonzales na mapagkakatiwalaan at maprinsipyong tao ang nasabing kalihim kaya walang mapipiga ang mga Senador tungkol sa pinasok nitong kontrata na Venable LLP.

Naniniwala rin ang residente sa nabanggit na lugar na masyadong naging arogante ang mga Senador na nag-imbestiga kay Gonzales at labis umanong napahiya ang kanilang kababayan kaya nararapat lamang na palayain na ito sa kasong contempt na isinampa laban dito at hindi na dapat pang gisahing muli sa nabanggit na committee hearing.

Ayon naman kay Barangay Sec. Rolando Bernabe, sa darating na araw ng Linggo ay tutungo ang mga residente mula sa kanilang baranggay sa Philippine Heart Center para mag-vigil prayer upang pagbigyan ang kanilang kahilingang palayain na ang kanilang kababayan.

Napag-alamang si Gonzales ay ipinanganak at nag-aral sa Barangay Puerto Rivas Ibaba na naging aktibong kabataan sa Boy Scout Movement.

Si Gonzales din ang nag organisa ng Alyansa ng Mangingisda sa Bataan noong tinedyer pa lamang ito at naging chairman ng Federation of Free Workers sa Bataan Export Processing Zone na ngayon ay tinatawag na Bataan Economic Zone o BEZ sa bayan ng Mariveles. (Jonie Capalaran)

Show comments