3-katao sinuwag ng trike, grabe
September 30, 2005 | 12:00am
CAVITE Tatlo-katao ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang suyurin ng traysikel habang naglalakad ang mga biktima sa gilid ng Governors Drive sa Barangay Muzon sa bayan ng Naic, Cavite kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Marino Paglinawan, 41, barangay tanod; Leonardo Aniel, 43 at Joel Begino, 30, pawang mga residente ng nabanggit na barangay. Naghihimas naman ng rehas na bakal ang drayber ng traysikel (WE9301) na si Anthony Abugutal, 21, ng Block 14 Lot 7 Phase 2 sa Villa Apolonia, Naic, Cavite. Napag-alaman sa imbestigasyon ni PO2 Dario Carangalan, nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ng traysikel si Abugutal kaya nagawang araruhin ang mga biktimang naglalakad. (Cristina Timbang)
BATAAN Pinagbabaril hanggang sa mapaslang ang isang 28-anyos na obrero ng hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay natutulog kasama ang asawat mga anak sa kanilang bahay sa Barangay Tala sa bayan ng Orani, Bataan noong Sabado ng madaling-araw. Hindi na nagising sa pagkakatulog ang biktimang si Jose Levymar Rieza y dela Cruz na pinatay sa sariling bahay. Ayon kay SPO1 Rodolfo Flores, ang biktima ay taga-alaga ng sasabunging manok at bago tumakas ang suspek ay tinangay pa ang cellphone na pag-aari ng asawa ng biktima. Nabahala naman ang mga residente sa bayan ng Orani na nagiging inutil ang kapulisan sa serye ng krimeng nagaganap sa kanilang bayan na kasalukuyang wala pang nareresolba. (Jonie Capalaran)
KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Muli na naman naghasik ng karahasan ang mga rebeldeng New Peoples Army makaraang salakayin at sunugin ang generator ng isa na namang Globe Telecommunications cell site sa barangay San Jose sa bayan ng San Andres, Catanduanes, kamakalawa ng gabi. Batay sa ulat na nakarating kay Col. Arsenio Arugay ng 901st Infrantry Brigade, naitala ang insidente dakong alas-11 ng gabi matapos na hindi mapasok ng mga rebelde ang radioroom ng nasabing cell site ay sinunog na lamang ang generator. Bago tumakas ng mga rebelde ay tinangay pa ang mga baril ng dalawang security guard na nakatalaga sa nasabing cell site. Naniniwala naman ang mga awtoridad na patuloy na tumatanggi ang pamunuan ng Globe na magbigay ng revolutionary tax sa makakaliwang grupo. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Recommended