Sa ulat ni Armys 6th Infantry Division (ID) chief Major Gen. Agustin Dema-ala, dakong alas-7 ng umaga nang maharang sa checkpoint ang mga suspek na suicide bomber na lulan ng pampasaherong dyipni.
Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Pamfilo Palma, drayber ng dyip; Omar Bantas, Sudin Dandang at Abdul Salam na pinaniniwalaang mga bandidong Abu Sayyaf na planong maghasik ng terorismo sa Mindanao.
Nasamsam ng tropa ng Armys 39th Infantry Battalion (IB) mula sa mga suspek ang isang cellular phone na may triggering device.
Malaki ang paniniwala ng military na ang grupo ng suicide bomber ay posibleng kasama sa plano ng 10 Indonesian Jemaah Islamiyah (JI) na magsagawa ng pambobomba sa Mindanao at Metro Manila.
Base sa talaan ng pulisya at militar, ang JI terrorist ay ang terror network ng Al Qaeda na naitatag ni Osama bin Laden sa Southeast Asia at pakikipag-alyansa sa mga bandidong Abu Sayyaf na may temang maghasik ng malawakang terorismo sa bansa kabilang na ang Valentines Day bombing sa mga lungsod ng Makati, Davao at General Santos sa taong ito na ikinasawi ng 8-katao habang marami pa ang nasugatan. (Joy Cantos)