Sa impormasyong nakalap ng PSN sa tanggapan ng Law Enforcement Department (LED) at Intelligence and Investigation Office (IIO) ng SBMA, naganap ang komosyon ng magkabilang grupo dakong alas-10:30 ng gabi sa labas ng bahay ng nasabing chairman ilang sandali matapos bumisita ang naturang gobernador.
Napag-alaman na habang nasa kalagitnaan nang pag-uusap ang dalawang opisyal ay biglang dumating ang mga bodyguard ni Sen. Gordon at dagliang kumalat ang mga ito sa paligid kung saan nabigla at naalarma ang mga alalay naman nina Salonga at Magsaysay
Agad namang nagkapormahan at nagkasahan ng baril ang magkabilang panig at naghahanda sa anumang mangyayari sa nagaganap na tensyon, subalit naiwasan lamang ang pagdanak ng dugo nang dumating ang ilang tauhan ng SWAT team ng SBMA sa pamumuno ni ret. Col. Jaime Calunsag at ng Olongapo City Police Office (OCPO) upang mamagitan sa dalawang grupo na kapwa armado ng malalakas na kalibre ng baril.
Ayon sa isang opisyal ng IIO na tumangging ihayag ang pangalan, kilala umano nito ang mga taong sumugod sa bahay ni Salonga at sinabing ilan sa kanila ay pawang mga kilalang taga-suporta at tauhan ni Gordon.
Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang naging motibo sa nangyaring pagsugod ng nasabing mga grupo sa bahay ni Salonga.
Si Salonga ay itinalaga bilang bagong chairman ng SBMA kapalit ni Francisco H. Licuanan III, samantalang si Armand Arreza naman ang pumalit sa puwesto ni Alfredo C. Antonio bilang administrator. (Jeff Tombado)