Kinilala ang biktima na si Estrellita Paas, 61, presiding judge ng Pasay RTC Branch 44 at residente sa Brgy. Poblacion West, Natividad.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-5:40 ng hapon nang makita ni Atty. Reinerio Paas, asawa ng biktima ang huli na duguang nakahandusay sa loob ng comfort room ng kanilang tirahan. Nakitaan na may isang tama ng saksak sa likod ang biktima.
Nabatid na mag-isa lamang ang nasabing hukom na naiwan sa kanilang tahanan at huling nakausap ng kanyang msiter dakong ala-1 ng hapon nitong Biyernes bago dumalo ang huli sa induction program ng isang paaralan dito.
Nadiskubre ng pulisya na nawawala ang cellular phone ng judge, isang camera at kalibre 22 baril.
Nagsagawa na ng imbestigasyon ang mga elemento ng Scene of the Crime Office (SOCO) na nakabase sa Urdaneta City.
Hiniling na rin ng pamilya Paas sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon hinggil sa pagpatay sa nasabing hukom na sumasailalim na sa awtopsiya ang mga labi nito. (Eva Visperas)