CAMP VICENTE LIM, Laguna Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang sumikwat ng traysikel sa bayan ng Naic, Cavite ang nadakma ng mga tauhan ng pulisya sa bahagi ng Biñan, Laguna kamakalawa. Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ng mga suspek na sina Ricardo Reyes, 25, ng Brgy. Ibayo Silangan; PJ Perea, 21 at Regie Escalona, 20, ng Sitio Tramo, Barangay Timalan Concepcion sa bayan ng Naic, Cavite. Napag-alamang sinikwat ng mga suspek ang traysikel (XB 4671) na pag-aari ni Delia Bruno sa nabanggit na barangay. Agad namang nakipag-ugnayan ang biktima sa pulisya hanggang sa madakip ang mga suspek sa nasabing bayan.
(Ed Amoroso) NUEVA ECIJA Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 60-anyos na inhinyero ng mga hindi kilalang lalaki sa naganap na karahasan sa Barangay Diversion sa bayan ng San Leonardo, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi. Walong tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ng biktimang si Engr. Luciano G. Hipolito ng Barangay Castellano at naisugod pa sa Gonzales General Hospital, subalit idineklarang patay. Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulisya na pinasok ng mga armadong kalalakihan ang opisina ng biktima na nooy nanonood ng telebisyon. May posibilidad na may nakaalitan ang biktima kaya naganap ang krimen.
(Christian Ryan Sta. Ana) Buntis Nadakma Sa Buy-Bust |
SANTIAGO City Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng pulisya ang isang 28-anyos na misis na pinaniniwalaang nagpapakalat ng bawal na gamot sa isinagawang buy-bust operation sa bahaging sakop ng Barangay Victory Norte sa lungsod na ito, kamakalawa ng gabi. Sa ulat ni P/Senior Supt. Rolando Diaz, police city director, nakilala ang suspek na si Angie Olie ng Abaya Street, Purok 1 sa Barangay Victory Norte, Santiago City. Nakumpiska sa suspek ang 9 pakete ng bawal na gamot na tumitimbang na 1.4 gramo. Itinanggi naman ng suspek ang nakumpiskang bawal na gamot.
(Victor Martin) Napikon Sa Biruan, Tinodas |
CAVITE Pinagpapalo ng tubo hanggang sa mapatay ang isang 27-anyos na lalaki ng kanyang kainuman ng alak makaraang magkapikunan habang nagbibiruan ang dalawa sa Barangay Salawag sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Cunias "Bunso" Cañete ng Blk 2 Lot 12 Lincoln Street, BF Resortville, Las Piñas City, samantala, nadakip naman ang suspek na si Arnold Clemen ng Greenvalley Subd. sa Barangay Molino, Bacoor Cavite. Sa imbestigasyon ni PO1 Antonio Gutierrez, inaresto ang suspek sa kasong bagansiya, subalit sa pagsisiyasat ng pulisya, lumalabas siya ang responsable sa pagpatay sa biktima.
(Cristina Timbang)