Kabilang sa napatay na holdaper ay nakilalang sina Moreto Artus, 42, lider ng Otso-otso Gang; Gerardo de la Cruz, Rolly "Kikoy" Palermo at dalawa pa na inaalam ang pagkakakilanlan na pawang ex-New Peoples Army rebels.
Sugatan naman ang isang tauhan ng pulisya na si SPO1 Almario Busime ang isinugod sa ospital dahil sa tama ng bala ng baril sa braso matapos ang madugong bakbakan.
Napag-alamang bandang alas-4:30 ng madaling-araw nang salakayin ng mga elemento ng pulis-Talisay City sa pamumuno ni P/Chief Insp. Jerry Bartolome, ang safehouse ng mga suspek sa bisinidad ng nabanggit na barangay.
Nabatid na bago ang shootout ay nakatanggap ng impormasyon ang Talisay City PNP na ang grupo ni Artus ay nasa bahagi ng sakop ng nasabing lugar kayat agad silang nagsagawa ng operasyon.
Gayunman, sa halip na sumuko matapos paligiran ang lugar ay nanlaban ang mga suspek na agad pinaputukan ang raiding team na nauwi sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig hanggang sa bumulagta ang nasabing grupo.
Kabilang naman sa mga kasong kinasasangkutan ng mga suspek ay ang serye ng robbery/holdup sa Talisay City partikular na ang grocery ni Eva Manlunas ng Carmela Valley na nasikwatan ng P.5 milyon noong Hulyo; cockfarm na pag-aari ni Alan Gaston at ang EB Magalona kung saan ang mga ito ay positibong itinuro ng mga testigo.
Narekober sa mga napatay na holdaper ay isang Squire Bingham shotgun na may apat na bala, isang cal. 45 colt pistol na may isang magazine, dalawang cal. 38 colt pistol, dalawang bala ng cal 7.62, mga bala ng M14 rifle, isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, mga resibo sa pawnshop, sari-saring mga dokumento sa organisasyon ng grupo, modus operandi at iba pa. (Joy Cantos at Antonieta Lopez)