Ayon kay P/Senior Insp. Nestor Bangayan, team leader ng Division Special Operations Group (DSOG), dakong alas-7:30 ng umaga nang salakayin ang compound na pag-aari ni Sammy Bugtog Comiles.
Aabot sa 44 askal ang nailigtas sa katayan, samantalang nakatay na ang19 aso na ang karne ay tumitimbang na 48 kilo.
Agad na inaresto ang 49-anyos na si Comiles at dinala sa regional office ng CIDG sa Baguio City, kasama ang mga askal na nakalagay sa bakal na kulungan at nakatakdang dalhin sa impounding area sa may slaughter house sa Baguio City.
Sa pahayag ni P/Senior Supt. Marvin Bolabola, regional chief, ang nasabing operasyon na tinawag na Task Force Animal, ay ipinag-utos ni Chief PNP Arturo Lomibao, matapos humingi ng tulong si US animal rights advocate Martin Hanz sa reklamong laganap ang bentahan at pagkatay sa tinaguriang "Man"s Bestfriend."
Napag-alamang may nakasuhan na tungkol sa pagbebenta ng aso na mula sa Batangas, Laguna at Cavite at dinadala sa Cordillera, subalit sa mababang piyansa at parusa ay paulit-ulit ang ginagawang modus operandi ng mga nagnenegosyong askal. (Artemio Dumlao)