Ang suspek na si Robert Woo alyas Wang Yu, 32, ay nadakip sa bahaging sakop ng Santa Isabel Village sa nabanggit na lungsod dakong alas-3 ng hapon, ayon kay Task Force Newsman Senior Supt. Pedro Tango.
Armado ng warrant of arrest na inisyu ng Dipolog City Regional Trial Court Branch 6 nang salakayin ang pinagkukutaan ng suspek na si Woo.
Sa talaan ng pulisya, ang biktimang si Klein Cantoneros, commentator ng dxAA radio ay pinagbabaril ng mga suspek na sakay ng motorsiklo ang biktima sa Dipolog City noong Mayo 4.
Ang sunud-sunod na pamamaslang sa mediamen sa Pilipinas ay nagbunsod sa New York-based Committee to Protect Journalists (CPJ) para bansagan ang bansa bilang pinakamapanganib na lugar sa mundo laban sa larangan ng malayang pamamahayag.
Sa taong ito, limang mamamahayag na ang pinaslang habang13 mediamen naman ang naitala noong 2004 na kabuuang 68 pinatay simula nang mapanumbalik ang demokrasya sa bansa.