Jailbreak: 3 preso nakapuga

CAVITE – Dahil sa kapabayaan sa tungkulin at walang nakatalagang guwardiyang mga tauhan ng pulisya sa Cavite City ay nagawang makatakas ng tatlong kalalakihang preso makaraang wasakin ang rehas na bakal na kulungan, kamakalawa ng gabi.

Base sa ulat na nakarating kay P/Supt. Eduardo Ballatan, hepe ng pulisya sa Cavite City, ganap na alas-9 ng gabi nang makapuga ang tatlong preso matapos na lagariin ang isa sa rehas na bakal ng detention cell.

Subalit hindi nagtagumpay na makalayo ang presong si Jovy Prudente na namataan ng mga tauhan ng pulisya, samantalang sumuko naman kahapon sa mga awtoridad ang isa pang preso na si Ramir Santos na may kasong direct assault.

Tugis naman ng pulisya ang nalalabing presong pumuga na si Larry Mendoza na may kasong pagnanakaw.

Lumitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na naipuslit ang maliit na lagare sa pamamagitan ng nanay ni Mendoza na bumisita sa nasabing kulungan.

Sinabon naman ni P/Senior Supt. Benjardie Mantele, Cavite provincial director ang hepe ng Cavite City PNP matapos na mapag-alamang walang nakabantay na pulis sa nabanggit na detention cell.

Dinisarmahan at sasailalim sa interogasyon sina SPO3 Virgilio Loyola, duty desk officer at PO1 Marvin Agabin, duty investigator nang maganap ang jailbreak. (Lolit Yamsuan)

Show comments