Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Norham Amil alyas Commander Ramsie na sangkot sa serye ng kidnapping sa ilang bahagi ng Western, Central at Southern Mindanao.
Napag-alamang si Commander Ramsie ay may patong sa ulong P.5 milyon at kabilang sa most wanted na nasa watchlist ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTF).
Ang grupo ni Ramsie ay pangunahing responsable sa pagdukot sa mayayamang negosyante sa rehiyon partikular na ang mga Filipino-Chinese at maging mga dayuhang pari.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga, nakorner sa checkpoint ng Army Special Forces si Commander Ramsie sa bayan ng Leon Postigo, Zamboanga del Norte.
Matatandaan na pinalakas pa ng AFP ang anti-kidnapping drive sa pamamagitan ng checkpoints upang masupil ang insidente ng kidnapping na karaniwan ng kinasasangkutan ng Pentagon KFR gang at ng mga bandidong Abu Sayyaf Group. (Joy Cantos)