Ito ang ibinulgar kahapon base sa nakalap na intelligence report ni Major Lao Lucas, Chief ng 42nd Civil Relations Unit na nagsabing nire-recruit ng mga JI terrorist ang mga kabataang estudyante sa paggawa ng bomba at bomb attacks sa Mindanao Region.
Sa kanyang report, sinabi ni Lucas na mismong si Kabacan Mayor Luz Tan ng North Cotabato ang kumumpirma sa recruitment ng JI terrorist mula sa mga bayan ng Midsayap, Carmen at Kabacan at Esperanza sa lalawigan naman ng Sultan Kudarat.
Isiniwalat ng opisyal na ang modus operandi ng JI terror group ay ang magpakilala ang mga itong mula sa isang organisasyon ng agrikultura at kunwariy tuturuan ang mga estudyanteng magtanim ng halaman.
Base pa sa pinakahuling impormasyon, ang mga kabataang estudyante rin na naloloko ng JI terror group ang pinapa-kolekta umano ng revolutionary tax sa mga negosyanteng tinatakot ng mga itong isasabotahe ang negosyante kung saan ang mensahe ay ipinararating sa pamamagitan ng text messaging.
Sa panig naman ni Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Marlu Quevedo, sinabi nito na patuloy ang recruitment ng JI terrorists bilang bahagi ng misyon ng mga ito na palaganapin pa ang paghahasik ng terorismo.
Puspusan naman ang monitoring ng mga intelligence operatives upang masupil ang planong paghahasik ng terorismo ng mga JI terrorist na nagtatago partikular na sa Central Mindanao. (Ulat ni Joy Cantos)