Mister binoga ng mag-utol

CAVITE — May posibilidad na matinding galit ang umiral sa mag-utol na lalaki laban sa isang 46-anyos na mister kaya nila nagawang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang biktimang naglalakad papauwi sa Barangay Luzviminda 2 sa bayan ng Dasmariñas, Cavite, kamakalawa ng gabi. Ilang bala ng baril ang tumapos sa buhay ng biktimang si Edgardo Llanes ng Block C sa nabanggit na barangay. Samantalang pinaghahanap na ng pulisya ang mag-utol na suspek na sina Ray at Rene Rosales na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Lumitaw sa imbestigasyon ni SPO2 Lorenzo Balbuena, bandang alas-7:30 ng gabi nang harangin ng mag-utol ang biktimang naglalakad. Namataan na ang tatlo ay nagkakasigawan hanggang sa umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril at duguang bumulagta ang biktima. (Ulat ni Cristina Timbang)

Show comments