Task force vs killer ng abogado, binuo

BAGUIO CITY – Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation Cordillera na bigyan prayoridad ang pagsisiyasat para matukoy at madakma ang mga suspek na pumaslang kay Atty. Eugenia V. Campol, noong gabi ng Lunes sa nabanggit na siyudad.

Katuwang naman ng mga tauhan ng pulis-Baguio City ang Criminal Investigation and DetectionGroup-Cordillera (CIDG) sa pagbuo ng Task Force Campol na siyang tututok sa masusing imbestigasyon sa kaso ng napaslang na si Atty. Campol.

Ang nasabing task force ay pinamumunuan nina P/Senior Supt. Isagani Nerez, city director at P/Senior Supt. Marvin Bolabola, regional chief ng CIDG-COR.

Nabatid na nagpadala ng memorandum si Justice Secretary Raul Gonzales, kay NBI Regional Director Ricardo Pangan, Jr., na direktang inuutusan na magsagawa nang agarang imbestigasyon sa brutal na pamamaslang kay Atty. Campol, noong gabi ng Lunes (Setyembre 5) sa Woodsgate Subdivision, Camp 7, Kennon Road, Baguio City.

Ayon kay Nerez, nakatuon ang imbestigasyon sa mga usap-usapan ngayon na may kinalaman sa trabaho ng biktima ang motibo ng pagpaslang. Napag-alaman na matapos itong umalis bilang government laywer sa bayan ng Boliney, Abra ay may sinampahang kaso si Campol na graft and corruption, noong 2004 laban sa isang maimpluwensang pulitiko sa Abra.

Humihingi naman ng katarungan ang asawa ng abogada na si Julius Campol, sekretaryo ng Sangguniang Bayan sa Boliney. Nananawagan din ito sa mga nakasaksi sa krimen na tulungan ang pulisya para mapanagot ang mga killer ng kanyang asawa na naulila ang dalawang anak na babae. (Ulat ni Artemio Dumlao)

Show comments