Doktor binoga ng adik, todas

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang 54-anyos na doktor ang kumpirmadong nasawi, habang sugatan naman ang kasamahan nito matapos na mapagtripang pagbabarilin ng isang adik sa droga sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Alaminos, Laguna, kamakalawa ng tanghali.

Kinilala ni SPO1 Philip Mendoza ang nasawing biktima na si Dr. Leonardo Bernardo ng Barangay San Andres sa bayang ito. Ginagamot naman sa Laguna District Hospital sa San Pablo City ang sugatang si Eric Magpantay matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang kaliwang hita.

Napag-alamang naglalakad na pauwi ang napatay na biktima kasama si Eric at isang John Carlo Tolentino sa kahabaan ng Maharlika Hi-way sa nabanggit na bayan.

Lingid sa kaalaman ng magkakaibigan, inaabangan na pala sila ng adik na lalaki na armado ng baril at nagtatago sa bahagi ng Highway bago isagawa ang krimen.

Ayon sa mga pulis, maaring napagtripan lang ng di pa rin nakikilalang suspek ang doktor dahil wala namang alam na kaaway ito sa nabanggit na bayan.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng operasyon ang mga awtoridad para sa ikadarakip ng suspek. (Ulat nina Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)

Show comments