Abogado ng PAO itinumba

BAGUIO CITY – Isa na namang abogado ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang killer, habang ang biktima ay papasok sa gate ng kanilang bahay, kamakalawa ng gabi sa Woodsgate Subdivision sa Camp 7, Baguio City.

Dakong alas-8:45 ng gabi nang paputukan ng apat na beses ang biktimang si Atty Eugenia Jenny Vinluan Campol, 36, ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Baguio City.

Napag-alamang si Atty. Campol ay kusang nagpalipat sa Baguio City noong 2002 mula sa pagiging government lawyer sa bayan ng Boliney, Abra at kasalukuyang professor ng law sa University of Baguio.

Naunang binaril at napatay si Atty. Victoria Sturch, noong 2003 sa Harrison Road, Baguio City habang papatawid ito.

Wala pang malinaw na motibo sa naganap na krimen, subalit ayon kay Baguio City police director Senior Supt. Isagani Nerez, posibleng may kinalaman sa trabaho ni Campol ang isa sa anggulong sinisilip.

Base sa record, noong 2004 ay may isinampang kasong graft and corruption si Atty. Campol laban sa isang ma-impluwensyang pulitiko sa isang bayan sa Abra.

Kaugnay nito, mariin naman kinondena ni Atty. Abelardo Estrada, presidente ng Integrated Bar of the Philippines-Baguio Benguet chapter, ang brutal na pagpatay kay Atty. Campol.

Nananawagan din si Atty. Estrada sa mamamayan, lalung-lalo na sa nakasaksi sa krimen na tulungan ang pulisya na makilala ang mga suspek, para sa katarungan ng pamilya ng biktima.

Hindi lang kawalan sa pamilya si Atty. Campol, ayon pa kay Estrada, kundi kawalan din sa propesyon ng abogasya sa nabanggit na siyudad dahil kinakitaan ang napaslang na abogada ng seryosong pagpapatupad ng batas. (Ulat nina Artemio Dumlao at Joy Cantos)

Show comments