Kinilala ni Chief Inspector Steve Ludan, hepe ng Sta Cruz Police ang mga tinutugis na preso na sina Ronald Rivas, Victor Celestial, Dodong Lopez, Orlando Yulas, Maphol Magbanua and Louie Famador.
Ayon sa report, bandang alas-6:00 ng gabi nang agawin ng mga suspek ang service firearms na cal. 38 service pistol ni Jail Officer Socrates Herradura at gawing hostage bago ito nagsitakas.
Sa panayam ng PSN kay Laguna Provincial Jail Warden Cesario Perez, bago umano nangyari ang pagpuga, nagsagawa pa umano ng isang misa sa pangunguna ni Father Olan Andes ng Pastoral Care of Prison bandang alas-3 ng hapon.
Pagkatapos ng misa bandang alas-5 ng hapon, habang nagsasagawa na ng headcount ang mga jailguard, nakasalisi ang anim na suspek at nagawang makapagtago sa likod ng Provincial Jail at dito na nila inabangan si JO1 Herradura at inagaw mula dito ang kanyang pistola at isang M-16 armalite rifle.
Ayon sa mga imbestigador, si Herradura ay hinostage ng mga preso at dinala sa kanyang puwesto sa tower at doon sila tumakas sa pamamagitan ng pagtalon palabas mula sa mga bintana ng tower at pinaniniwalaang naglangoy o kayay nag-abang ng bangka sa Laguna Lake patungong lalawigan ng Rizal.
Isang manhunt operation na ang isinasagawa ng mga awtoridad para sa ikadarakip ng mga pugante. (Arnell Ozaeta/ Ed Amoroso)