Dead-on-the-spot sa insidente ang mga biktimang sina Lt. Sahiron Gumampang, Pfc Hasan Darib at Arnold Audi Baldorado; pawang miyembro ng Armys 53rd Infantry Battalion (IB).
Nabatid na si Gumampang ay mula sa 2nd Batch ng Moro National Liberation Front (MNLF) integree na nakabase sa Sulu. Ang nasabing biktima ay minsan ng ginawaran ng parangal dahilan sa ipinamalas na dedikasyon sa serbisyo.
Batay sa ulat na nakalap kahapon sa tanggapan ni Army Chief Major Gen. Hermogenes Esperon Jr., dakong alas-6:30 ng umaga habang ang mga biktima ay nakasibilyan at naglalakad sa bisinidad ng Karawan Complex sa bayan ng Indanan patungo sa mosque para magsimba nang ratratin ng mga armadong bandido.
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw na tuluyang tumapos sa buhay ng tatlong sundalo na pawang natadtad ng mga tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Matapos maisakatuparan ang krimen ay mabilis na nagsitakas ang mga bandido patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kasong ito at nagpapatuloy naman ang crackdown operations laban sa nalalabi pang puwersa ng ASG sa lalawigan.