95-anyos sundalo ng World War II, pinarangalan ni PGMA

KIANGAN, Ifugao Isang sundalo noong panahon ng hapon sa kasagsagan ng digmaang pandaigdig ang binigyan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng parangal noong Biyernes kasabay ng paggunita sa ika-60 anibersaryo ng pagsuko ni Gen. Tomoyuki Yamashita, sa Poblacion Kiangan, ng nasabing lalawigan.

Ang ipinagmamalaking buhay na bayani ng bansa na nanguna sa pakikibaka laban sa mga sundalong hapon at naging instrumento sa pagsuko ni Gen. Yamashita ang supreme commander ng Japanese Imperial Army ay si Lt. Santiago Balaho, 95 at residente rin ng nasabing lugar.

Sa naging talumpati ni Pangulong Arroyo bilang pangunahing panauhin sa Kiangan Memorial Shrine sa ika-60 anibersaryo ng pagsuko ni Gen Yamashita hudyat ng pagwawakas ng World War II noong Sept. 02,1945, kanyang pinuri ang kabayanihan at katapangan ni Balaho na kanyang tinukoy na tanging sundalo noong panahon ng Hapon na nabubuhay sa ngayon sa bansang Pilipinas matapos nitong ipagtanggol ang mga Pilipino laban sa mga Hapon noong panahon ng digmaan.

Hinikayat din ni Arroyo ang mga residente rito kabilang na ang buong lahi ng mga Ifugao na ipagpatuloy ang pangangalaga ng kanilang mayamang kultura hindi lamang ang ipinagmamalaking rice terraces kundi maging ang kabayanihan na ipinamalas ng mga magiting na mandirigma na naging bahagi upang tuluyang magwakas ang digmaan.

Ayon naman kay Balaho, mapait man na gunitain ang alaala ng digmaan matapos maisakripisyo ang mahigit na 4,000 buhay, natutuwa naman ito at naging bahagi sila ng kasaysayan ng bansang Pilipinas at higit sa lahat ay nagwakas na rin ang World War II matapos sumuko si Gen. Yamashita.

Hindi rin naitago ng ilang mga kamag-anak ni Balaho ang isang katanungan kung bakit ang kanilang ninuno (Balaho) na dati ay 1Lt. noong panahon ng Hapon ay hindi man lang binigyan ng promosyon ng pamahalaan sa kabila ng kanyang nagawa sa bansa hanggang sa kanyang pagreretiro.

Labis naman ang tuwa ni Balaho nang matanggap niya ang award mula sa Pangulo na ayon sa kanya ay ikalawang presidenteng nagbigay sa kanya ng papuri matapos siyang parangalan din ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1995 sa pareho ring pagtitipon. (Victor Martin)

Show comments