Sa naging panayam ng PSN kay Mayor Chipeco, inamin niyang mga empleyado ng city hall sina Landicho "Oniong" Castillo at Fernando Geca, pero nilinaw niyang hindi niya ito mga bodyguard.
Naunang napaulat na kasama sina Castillo at Geca sa limang suspek na bumaril at nakapatay sa isang imbestigador ng Calamba PNP na si SPO1 Rufino R. Maglinao habang nakikipag-inuman ng alak sa kanyang mga bisita sa Barangay Mayapa.
Matatandaang bineripika ng PSN sa police station ng Calamba City kung bodyguard nga ni Mayor Chipeco sina Castillo at Geca bago ginawa ang balita na inayunan naman ito noong una at binawi rin naman sa bandang huli.
Bukod sa dalawa, kasama ring tinutugis ng kapulisan ang mga suspek na sina Jimmy Castillo, Resty Mamalayan ng Barangay Mayapa at Michael Manaig ng Barangay Bubuyan na pinaniniwalaang naging kasabwat sa pamamaslang.
Kaugnay nito, nag-utos na si Mayor Chipeco sa mga awtoridad ng malalimang imbestigasyon sa kasong ito para sa ikadarakip ng mga tumakas na mga suspek.
"Hindi ko kukunsintihin ang maling gawain, kailangan humarap sila sa batas at para mabigyang katarungan ang naging biktima sa karahasang ito," ani Chipeco
Ayon naman kay Supt. Rolan Bustos, hepe ng Calamba PNP, sinampahan na nila ng kasong murder ang limang suspek sa city prosecutors office ng Calamba na may IS # 1173-05-C kaninang umaga.
Nag-utos din si Bustos sa kanyang mga tauhan na mag-undergo ng telephone courtesy training at gumawa ng tamang procedures para sa pagbibigay ng impormasyon sa mga media para maiwasan ang paglabas ng maling balita sa mga pahayagan. (Arnell Ozaeta)