Nalalagay ngayon sa balag ng alanganin at tugis ng pulisya ang mga suspek na sina Oniong Castillo at Fernando Geca, mga city hall employees na nakatalaga bilang bodyguard ni Mayor Joaquin Chipeco; anak ni Castillo na si Jimmy, Resty Mamalayan ng Barangay Mayapa; at Michael Manaig ng Barangay Bubuyan.
Ayon kay P/Chief Supt. Jesus Verzosa, Region 4 PNP director, napuruhan sa mukha at balikat ang biktimang si SPO1 Rufino R. Maglinao, 44, naka-assign sa investigation division ng Calamba City PNP Station.
Sa imbestigasyon, bandang alas-5:30 ng hapon, masayang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga bisita sa loob ng bahay nito sa Christopher II Subdivision ng nabanggit na barangay nang biglang dumating ang mga suspek na lulan ng kulay itim na Nissan Sentra (TBV-945).
Dumiretso ang mga suspek sa loob ng bahay ng biktima at sumalo pa sa inuman na ginanap sa may garahe ng sasakyan.
Habang nag-iinuman, nagbunot ng baril ang isa sa mga suspek at sunud-sunod na pinagbabaril ang biktima ng malapitan.
Pinutukan din ng mga suspek ang isang kotse (UFD 801) na dumadaan lamang na minamaneho ng isang Harry Sablaya. Tinamaan din ng ligaw na bala ng baril sa hita si Elmer Balajadia na kapitbahay ng biktima.
Matapos maghasik ng karahasan, mabilis na nagsitakas ang mga suspek papuntang town proper ng Calamba City.
Maaring ginantihan ng mga suspek si Maglinao matapos mabaril nito ang isa sa mga anak ni Castillo sa braso ng magwala umano ito sa isa ring inuman, ayon pa sa ulat.
Nakipag areglo naman si Maglinao sa mga Castillo matapos na makapag bayad ito ng P150,000 para sa danyos perwisyo. (Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)