CAVITE Isang 57-anyos na mister ang kumpirmadong nasawi makaraang sumalpok ang minamanehong traysikel ng biktima sa tumatawid na baka bago sagasaan ng sasakyang rumaragasa sa kahabaan ng Governors Driver na sakop ng Barangay Manggahan sa bayan ng General Trias, Cavite, kamakalawa. Ang biktima na posibleng na hit-and-run ng hindi nabatid na sasakyan ay nakilalang si Ricardo Estores ng Block 86 Lot 27, Zone 9 sa Barangay Sampaloc 4, Dasmariñas, Cavite. Sa impormasyon nakalap ng pulisya sa ilang nakasaksi, hindi napansin ng biktima ang biglang pagtawid ng baka sa nasabing highway kaya sumalpok ang minamaneho nitong traysikel (WP-3309) bago nasagasaan ng hindi nabatid na sasakyan nang tumilapon palabas si Estores na empleyado ng Sun and Shield Security Agency bilang OIC.
(Lolit Yamsuan at Cristina Timbang) BAGUIO CITY Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Cordillera ang itinuturing na rapist ng isang 10-anyos na babae makaraang mamataan ang huli sa Melvin Jones Grandstand sa Burham Park sa Baguio City noong Linggo ng hapon. Hindi na nakapalag pa ang suspek na si Alexander Amoyen Bansoy, 33, ng Barangay Holy Ghost Extension matapos na isilbi ng CIDG ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Amado Caquioa ng Baguio City Regional Trial Court Branch 4 sa kasong 2 counts na statutory rape. Ayon kay P/Senior Supt. Marvin Bolabola, regional chief ng CIDG-CAR, ang suspek ay kinasuhan matapos na halayin nito ang biktima noong Hunyo 2005. Matapos na marebisa ng korte ang isinampang kaso ay agad na nagpalabas ng warrant of arrest na walang piyansa si Judge Caquioa laban sa suspek hanggang sa masakote ito. (Artemio Dumlao) 4 Naaktuhan Sa Pagnanakaw |
LINGAYEN, Pangasinan Apat na kalalakihan na pawang welder ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya makaraang maaktuhang nagpuputol ng mga bakal ng tulay na pag-aari ng PNR sa Barangay Gomez sa bayan ng Malasigue nitong nakalipas na linggo, ayon sa ulat kahapon. Kalaboso ang kinasadlakan ng mga suspek na sina Rowel Contawe, 22; Jun Valdez, 33; Robert dela Cruz, 29, na pawang residente ng Barangay Casanicolasan sa bayan ng Rosales at Lando Mendoza, 33, ng Poblacion, Basista. Napag-alamang nag-iinspeksyon si Engr. Jose Varguez at dalawa pang empleyado ng PNR sa kahabaan ng nasabing tulay nang mamataan nila ang mga suspek na binabaklas ang ilang bahagi ng bakal na tulay gamit ang acetylene. Agad na ipinagbigay-alam ni Varguez sa pulisya ang insidente kaya nadakip ang mga suspek. Nakumpiska sa mga suspek ang 1 toneladang bakal, 3 acetylene gauge, acetylene tank, 2 tangke ng oxygen at sasakyang elf truck. (Cesar Ramirez)