Kinilala ni P/Senior Supt. Percival Barba, police provincial director ng Isabela, ang mga biktima na sina Barangay Chairman Felinom Cacayan ng Barangay Calaogan, San Guillermo; Barangay Chairman Pascual Gumaru ng Barangay Marcelo sa bayan ng Angadanan, Isabela; anak nitong si Mary Jane Gumaru,19 at apo na si Novy Gumaru, 12, na pawang residente ng nasabing barangay.
Sa pahayag ni Juli Gumaru, anak ni Barangay Captain Gumaru na nakaligtas sa nasabing ambush, kitang-kita niya nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan ang sasakyan ng mga biktimang nasawi dahil sa nakasunod lamang ito sakay sa kanyang motorsiklo.
"May 50-metro lang ang layo ko sa Mitsubishi Delican van (XKF-203) ng tatay ko dahil sa nakamotorsiklo at nakasunod lamang ako nang biglang paulanan ng dalawang lalaki mula sa plantasyon ng mais ang mga ito," pahayag ni Juli.
Napag-alamang bandang alauna ng hapon noong Linggo nang tambangan ang mga biktima habang patungo sa Santiago City upang ihatid sana ni Barangay Chairman Gumaru ang kanyang anak na si Maryjane sa boarding house na sakop ng pinapasukang paaralan.
Nabatid pa sa ulat na nakisakay lamang si Barangay Captain Cacayan patungo rin sa nasabing lungsod kung kayat nadamay na rin sa nasabing ambush.
Anggulong pagnanakaw ang isa sa mga motibo na pinag-aaralan ng pulisya matapos na madiskubreng nawawala ang clutch bag ni Barangay Chairman Gumaru, subalit sinisilip din ang iba pang anggulo ng nasabing ambush.