Isa sa impormante ay nakatanggap ng P1-milyon pabuya kaugnay sa pagkakadakip kay Salip Halipa alyas Ustadz Asman/Abu Gulonggulong na itinuturing lider ni Abu Chieftain Khadaffi Janjalani, ayon kay Col. Domingo Tutuan, chief of staff ng Southern Command.
Ang tatlong namang impormante na kilala sa hanay ng military na active action agents ay tumanggap ng P150,000 bawat isa.
Napag-alaman ang tatlong impormante ay may malaking papel na ginampanan sa pagkakadakip nina Jeffrey "Ginul" Lao na nalambat sa Patikul; Michael Pajiji, alipores ni ASG lider Ghalib Andang, alyas Kumander Robot at Abraham Jumdaini, alysa Kiri Kirab.
Ang dalawang Sayyaf ay kapwa nadakma sa Sulu noong 2003 at 2004. Ayon kay Tutuan, si Halipa ay nadakip noong Marso 25, 2003 matapos ang mass abduction ng mga guro at estudyante at ang insidente sa Dos Palmas na bumihag ng 20 turista kabilang na ang tatlong Kano.
Ang mga suspek na nadakip ay pawang nasa ilalim ng custody ng Department of National Defense at Department of Interior and Local Government (DILG)
Ipinaliwanag ni Tutuan na ang pabuya ay naibigay sa apat na impormante matapos ang masusing validation at proseso ng impormasyon na nag-ugat sa pagkakadakip sa mga kasapi ng Abu Sayyaf Group.
Mariing pinabulaanan ng militar ang apat na impormante na nakatanggap ng pabuya ay dating mga kasapi ng Abu Sayaf Group. (Ulat ni Roel Pareño)