Ang mga suspek na sina Ruben Latang Jr., lider ng grupo; Sabino Latang at Angelito Latang ay nasakote sa bayan ng Glan, Sarangani kamakalawa dakong alas-4 ng hapon matapos ikanta ng mga residente sa lugar na nakasaksi sa krimen.
Ang mga suspek ang itinurong pumatay sa panibagong biktimang si Celso Lamitod, barangay tanod sa Rio del Pilar sa Glan, Sarangani.
Nabatid na ang mga suspek ay tinaguriang wakwak o kultong kumakain ng laman-loob ng tao na iniinom pa ang dugo at patuloy sa paghahasik ng takot sa mga residente sa hangganan ng Glan, Sarangani at Jose Abad Santos sa Davao del Sur, kayat naglunsad ang mga operatiba ng pulisya ng isang massive manhunt operation laban sa grupo.
Magugunita na nauna nang nasakote ng pulisya ang tatlong kasapi ng Cannibal gang na sina Lito Vicente alyas Ka Dok na nahulihan ng isang jungle bolo; Angelito Latang alyas Ka Dodong na may bitbit pang kalibre .38 revolver at si Sabrino Latang, alyas Ka Ones na may dalang shotgun sa bahagi ng Davao del Sur noong unang bahagi ng buwang ito.
Patuloy naman ang isinasagawang operasyon ng pulisya upang madakip ang iba pang nakatakas na suspek na sina Doydoy Latang, Ruben Latang at Mange Dundan na pawang armado ng shotgun. (Ulat ni Joy Cantos)