Dead-on-the-spot sa insidente matapos matadtad ng mga tama ng punglo sa katawan ang biktimang si Rogelio Moscoso ng Brgy. San Juan sa kapitolyo ng Antique.
Batay sa report, bandang alas-8 ng umaga habang pauwi na ang biktima lulan ng motorsiklo kasama ang kaibigang si Felipe Lumanog ng pagbabarilin ng mga salarin.
Iniimbestigahan pa ng pulisya kung kasabwat ng mga salarin si Lumanog na himalang di pinaputukan ng mga suspek.
Sa isa pang insidente, agaw buhay naman sa pagamutan ang isang aktibistang pastor makaraang pagbabarilin habang pababa sa pampasaherong jeep sa national highway, kanto ng Lomboy St., Barangay San Jose, Puerto Princesa City, Palawan.
Ang biktima ay nakilalang si Raul Domingo, 35-anyos, pastor ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP), residente ng nasabing lugar nagtamo ng apat na tama ng cal. 45 pistol sa ibat ibang bahagi ng katawan nang tambangan ito dakong alas-12 ng tanghali nitong Sabado habang pababa sa jeepney.
Pinaniniwalaan namang ang pagiging lider ni Domingo sa organisasyon ng Bayan at Karapatan na mariing tumututol sa pagmimina ng Mining Platinum Corporation sa lalawigan ang motibo ng insidente habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.