Itoy sa gitna na rin ng isinasagawang bilangan ng mga boto kaugnay ng ginanap na halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) gayundin sa pinalakas na operasyon ng militar laban sa grupo ng Abu Sayyaf sa Central Mindanao.
Sa isang phone interview, agad namang itinuro ni AFP-Southcom Chief Lt. Gen. Alberto Braganza na ang ASG at JI terrorists ang posibleng nasa likod ng insidente dahil ang nasabing grupo ang may kapabilidad na magsagawa ng nasabing "act of terror".
Ayon kay Braganza, may teorya silang nagpasabog sa Zambo upang ilihis ng Abu Sayyaf at JI terrorist ang isinasagawang operasyon ng militar laban sa nalalabi pang puwersa ng mga ito sa Central Mindanao.
Bunga nito, may 100 pulis at sundalo naman ang binaback-up ng Armored Personnel Carrier (APC) ang pumalibot sa lugar upang i-secure ang downtown ng lungsod ng Zamboanga.
Sa follow-up operations ay tatlo sa anim na pinaghihinalaang bombers na sangkot sa pagpapasabog sa Zamboanga City ang nasakote ng mga awtoridad sa serye ng operasyon.
Kinilala ang tatlo na sina Adzmar Abduraup, 38; Angon Azmarin, 32 at Ibnoyatin Samier; pawang taga-Tipu-Tipo, Basilan.
Ang mga ito ay dinakip ng mga operatiba ng Police Regional Office (PRO) 9 dahilan sa kanilang kahina-hinalang pagkilos sa bisinidad ng Imperial Hotel sa Campaner St. malapit sa pinangyarihan ng pagsabog. (Ulat Ni JOY CANTOS)