Kawal tinodas sa basketball court

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 22-anyos na kawal ng 65th Infantry Battalion ng Philippine Army ng tatlong rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang biktima ay nanonood ng basketball sa Barangay Biriran, Juban, Sorsogon, kamakalawa ng gabi.

Napuruhan sa ulo ang biktimang si Pvt. Ronnel Fillejera ng Barangay Tula-Tula sa Ligao City.

Sa ulat ng pulisya, naitala ang pamamaslang dakong alas-sais ng gabi habang ang biktima ay nakaupo sa gilid ng court at nanonood ng basketball.

Maging ang mga kaibigan ng biktima na naglalaro ng basketball ay natulala at nagkaroon ng matinding tensyon sa nabanggit na palaruan.

Napag-alamang nagbakasyon lamang ang biktima sa kanilang bayan at hindi inakalang sasalubungin ni kamatayan.

May teorya ang pulisya na may nakapagsabi sa grupo ng makakaliwang kilusan na may nagbabakasyong kawal ng militar kaya inabangan sa naturang lugar. (Ed Casulla)

Show comments