Pulis nabaril ang sarili, patay

PANGASINAN – Isang 42-anyos na tauhan ng pulisya na nakatalaga sa bayan ng Mangaldan ang kumpirmadong nasawi makaraang mabaril ang sarili habang nililinis nito ang sariling baril sa bahay ng kanyang utol sa Barangay Palapar Norte sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan kamakalawa ng gabi.

Isinugod pa sa Malasiqui Municipal Hospital para maisalba ang buhay ni SPO1 Virgilio Macaranas, subalit idineklarang patay dahil sa tama ng bala ng baril sa kanang bahagi ng ulo. Ayon kay P/Supt. Leopoldo Rivera, hepe ng pulisya sa nabanggit na bayan, ang biktima ay nakikipagkuwentuhan sa utol na lalaki habang naglilinis ng baril gamit ang panyo. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay aksidenteng pumutok ang hawak na baril ng biktima kaya bumulaga si kamatayan. (Ulat ni Eva Visperas)

Show comments