Katiwala ng Bokal, 1 pa nilikida

BULACAN — Dalawang sibilyan kabilang na ang isang katiwala ng board member ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang mga biktima ay magkasamang naglalakad sa bahagi ng Barangay San Juan sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan kahapon ng madaling-araw.

Ang mga biktimang binistay ng bala ng baril ay nakilalang sina Carlo Bulan, 27 at Joel Naga, 20, na kapwa naninirahan sa Barangay Matimbubong ng bayang nabanggit.

Napag-alamang si Bulan ay katiwala ni Board Member Enrique "Asac" Viudez ng 3rd District na naging alkalde ng San Ildefonso, Bulacan.

Base sa ulat na nakarating sa Bulacan PNP Command, ang magkaibigan ay papauwi na mula sa Barangay Mataas na Parang nang harangin ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang kasapi ng makakaliwang kilusan bago isinagawa ang pamamaslang.

Sinisilip din ng pulisya ang anggulong may kaugnayan sa politika ang pagkakapatay sa dalawa dahil noong nakalipas na eleksyon ay idineklara ng Comelec na isa sa hot spot ang bayan ng San Ildefonso dahil sa matinding banggaan ng partido ni Viudez at Galvez na mahigpit na magkalaban sa politika. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments