Mag-asawa nilikida sa sariling bahay

CAMP PRES. QUIRINO, Ilocos Sur — Binistay ng bala ng malalakas na kalibre ng baril hanggang sa mapatay ang isang intelligence officer at asawang nurse nito habang abalang naglilinis ng kanilang bahay ang mga biktima noong Martes ng gabi sa bayan ng Santo Domingo, Ilocos Sur.

Base sa ulat na tinanggap ni P/Supt. Crispin Agno, provincial director ng Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO), ang biktima ay nakilalang sina SPO1 Russel Tacal Pescador, 38, ng Provincial Intelligence and Investigation Bureau ng Ilocos Sur police at asawa nitong si Rosemarie Tabin Pescador, 31, nurse sa Tolentino Hospital, Santo Domingo, Ilocos Sur.

Sa ulat, ang mag-asawang Pescador ay katatapos lamang maghapunan dakong alas-otso ng gabi sa kanilang bahay sa Barangay Naglaoa-an at habang naghuhugas ng pinggan at naglilinis ng kanilang kusina ay bigla na lamang pinagbabaril ng mga hindi kilalang lalaki na nagmula sa bintana.

Hanggang ngayon, wala pang malinaw na motibo ang nasisilip ng pulisya sa naganap na pamamaslang, subalit malaki ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ni SPO1 Pescador bilang intelligence officer. (Ulat nina Myds Supnad at Artemio Dumlao)

Show comments