Nalalagay sa balag ng alanganin masibak sa tungkulin ang dalawang guwardiya na sina Ramon Verde at Christopher Seno, nang maitakas ng mga hindi kilalang lalaki ang mga presong sina Juanito Flores, alyas Ka Jack, isang rebeldeng NPA na may kasong murder; at Alberto Gallardo, isang miyembro ng Lazo Gang na may mga kaso ng robbery-holdup at pagpatay.
Ayon kay P/Sr. Supt. Alex Paul Monteagudo, nakapagtatakang sa isang pampasaherong jeep isinakay ang dalawang bilanggo at hindi sa service vehicle patungo sa Guimba Municipal Trial Court nang harangin ng mga hindi kilalang kalalakihan na nagpakilalang tauhan ng pulisya.
Walang nagawa ang dalawang escort kundi ang ibigay ang kanilang armas at itinakas ang dalawang preso.
Dahil dito, naglabas ng kautusan si Central Luzon PNP Director, Chief Supt. Alejandro Lapinid, na magsagawa ng malawakang pagtugis sa mga rebelde at maibalik sa kulungan ang mga preso. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)