Halos masunog ang buong katawan dahil sa lakas ng boltahe na pumasok sa katawan ng biktimang si Felipe Buscano y Cuñado, tubong Bohol at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Milagro, Ormoc City.
Base sa salaysay ng mga nakasaksi, bandang alas-9 ng umaga nang mamataan ang biktima na palakad-lakad sa bakuran ng Hotel Don Felipe na animoy may malalim na iniisip.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay naghubad ng t-shirt ang biktima bago umakyat sa pader patungo sa pinaglalagyan ng electric transformer at lumundag sa kanyang kamatayan.
Aabot sa 15-minuto ang inaksaya bago pa maputol ng mga pamatay-sunog ang linya ng transformer, ayon pa sa ulat.
Bago magpakamatay ng biktima ay nasawi ang kanyang misis matapos na masalpok ng trak ang sinasakyang multicab sa likurang bahagi noong Sabado ng umaga, Hulyo 23, 2005.
Kabilang sa namatay sa sakuna ay sina Carmen Ponce; Eustaquia Miro at Elena Buscano na asawa ni Felipe, habang labintatlo naman ang nasugatan kabilang na ang dalawang anak ng biktima na sina Jennifer, 13 at John Philips Buscano na ngayon ay kritikal ang kondisyon sa OSPA-FMC. May teorya ang pulisya na masyadong dinamdam ng biktima ang pagpanaw ng sariling misis na sinabayan pa ng dalawang anak na malubhang nasugatan sa sakuna. (Ulat ni Roberto Dejon)