Oil smuggling sa SBMA, nabunyag

SUBIC BAY FREEPORT – Nabunyag ang malawakang operasyon ng oil smuggling sa Subic Bay Freeport kung saan aabot sa P10.2 bilyon buwis ang napag-alamang hindi direktang pumapasok sa kaban ng bayan dahil sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno ang itinuturong sangkot sa ilegal na transaksyon sa pagpupuslit ng mamahaling langis.

Ito ay matapos mapag-alaman ng PSN na ang oil tanker na M/T Golden Arwana-III na sumalpok sa M/V Sulpicio Express-II noong Hulyo 21, 2005 sa karagatang bahagi ng San Nicolas Point, Corregidor Island ay naglalaman ng daan-daang tonelada ng purong langis na naipuslit palabas ng nasabing Freeport.

Sa imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA), ang kapitan ng barkong Arwana na si Capt. Joel B. Raguin ng Samal, Bataan ay walang kaukulang dokumento at permit para sa pagkakarga ng langis.

Ayon kay Arnie Santiago, officer-in-charge ng Enforcement Office ng MARINA, ang nasabing oil tanker na hindi awtorisadong maglayag sa karagatan ay natuklasang may kargang 850, 000 kilo/liters ng automotive diesel oil (ADO) na nakaimbak sa 6 cargo tanks na may kabuuang bigat na 485.75 gross tons.

Sa loob ng isang buwan ay 2 beses bumibiyahe ang barko upang ikarga ang mga langis sa Subic Freeport at nanggaling ang mga ipinuslit na langis mula sa Philippine Coastal Storage and Pipeline Corp., isang rehistradong locator na pangunahing supplier ng automotive diesel oil sa buong SBMA at nakatakda sanang dalhin ang mga ito sa Petron Depot sa Naic, Cavite para ibenta sa black market.

Sinubukang kontakin ng PSN ang pamunuan ng PCSPC hinggil sa smuggling, subalit isang babae na opisyal ng kumpanya ang mabilis na nagbaba ng telepono at tumangging magbigay ng kanilang paliwanag.

Isa retiradong opisyal ng Philippine Navy na pinaniniwalaang namumuno sa multi-bilyong pisong operasyon ng oil smuggling syndicate sa Freeport ang kasalukuyang humahawak ng maselang posisyon sa SBMA base sa lumabas na intelligence report. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments