Nagpalabas na ng warrant of arrest si Judge Cielito Minadaro-Grulla ng Manila Regional Trial Court Branch 29 laban sa mag-amang suspek na sina Buguoy, Cagayan Mayor Licerio Antiporda Jr. at anak na si Lloyd.
Ang mga suspek ay itinuro na responsable at may pakana sa pagkakapatay sa mga biktimang sina Franklin Tamargo at 8-anyos na anak nitong si Franciel Gail noong Agosto 5, 2003.
Base sa rekord ng pulisya, lulan ng Toyota Corolla ang mga biktima nang tambangan ng tatlong armadong lalaki sa panulukan ng Escolta at Nueva St., Sta. Cruz, Maynila.
Naaresto naman sa follow-up-operation ng pulisya ang mga suspek na sina Lucio Columna, Romulo Awingan at Richard Mecate.
Ayon kay SPO2 Alfredo Salazar, ikinanta ng tatlong suspek ang mag-amang Antiporda na siyang nag-utos sa kanila na tambangan at patayin si Tamargo.
Mahigpit na kalaban umano sa pulitika sa kanilang bayan ng mga Antiporda si Tamargo na siyang makakalaban nito sa eleksiyon noong nakaraang 2004 elections. (Danilo Garcia)